Pormal na tinanggap ng liderato ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang 2025 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P6.352 trilyon ngayong araw, Hulyo 29.
Binigyang diin ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Zaldy Co, na kasama ni Speaker Romualdez sa pagtanggap sa NEP, ang kahalagahan ng NEP na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Amenah Pangandaman.
Giit pa ng Kongressita ang NEP para sa susunod na taon ay hindi lamang isang plano ng panggastos kundi isang gabay na upang maabot ang Philippine Development Plan 2023-2028.
Sa pagbusisi sa panukalang badyet, sinabi ni Co na isasaalang-alang ng Kongreso ang pagkukunan ng pondo, kahandaan na maipatupad ang mga programa at proyekto, kapasidad ng mga ahensya na gastusin ang pondong inilaan sa kanila, at ang pagsunod sa spending priorities.
Nanawagan din si Co sa kaniyang mga kasamahan na tiyakin ang transparency, accountability at fiscal responsibility sa kabuuan ng pagtalakay sa pambansang pondo.
Ang pagsusumite ng NEP ay hudyat aniya ng mabusising pagtalakay sa pondo na tutugon sa pinakamahalagang pangangailangan ng bansa alinsunod na rin sa hangarin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang masaganang Pilipinas.
Nagpasalamat rin ang Bicolano solon kay Secretary Pangandaman at sa DBM team sa kanilang dedikasyon sa paghahanda ng NEP at inaasahan niya ang pakikipagtulungan nito sa pagtalakay sa NEP.
Ayon kay Co , ang turnover ng NEP ay nagpapahiwatig ng simula ng masusing mga talakayan sa badyet na naglalayong tugunan ang mga pinakamahalagang pangangailangan ng bansa at pagkakahanay sa bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa masaganang Pilipinas.
Samantala, ayon naman kay Speaker martin Romualdez, Nakatuon ito sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga indibidwal at pamilya, pagpapaganda sa sektor ng produksyon para makalikha ng dekalidad na trabaho at paglinang sa isang kapaligiran na may sumusuporta sa mga institusyon at kalikasan.