KORONADAL CITY – Malaki umano ang posibilidad na magsasagawa ang Kamara ng kanilang independent investigation kaugnay sa usapin ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang kontrobersyal na “Pastillas” scheme.
Kasunod ito sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado ukol sa naturang mga isyu.
Ito ang inihayag ni South Cotabato 2nd District representative at Deputy Speaker for Mindanao Ferdinand Hernandez sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Hernandez, kailangang imbestigahan ang naturang mga kaso lalo na’t ito umano ang ugat ng pagkakalugi ng Pilipinas at walang mapapala ang mga Pinoy na mga trabahante dito.
Maliban dito, mismong mga dayuhang Chinese lamang ang nakikinabang sa iligal na negosyo, lalo na’t kasabwat rin umano ang ilang immigration officers na nagpapasok sa kanila sa bansa.
Dapat ring hindi dapat lamang magtatapos sa pag-relieve ng mga sangkot na mga BI officials, ngunit dapat ring managot ang mga ito.
Kaya nananawagan siya sa mga ahensiya ng PAGCOR, BI, PNP at iba pang mga ahensiya na may kinalaman dito na busisiin ang naturang usapin.
Naniniwala rin siyang mas marami pa ang kanilang malalaman sa pag-imbestiga ng anomalya.