Malapit na umanong magkasundo ang Kamara de Representantes at Senado kaugnay ng panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) matapos ang unang opisyal na pag-uusap nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Inimbitahan si Speaker Romualdez sa event para sa paglulungsad ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program at payout ng ayuda sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa kanyang key note speech sa event na inorganisa ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, sinabi ni Speaker Romualdez ang pagnanais ng Kamara na maamyendahan ang RTL upang magpatuloy ang suporta sa mga lokal na magsasaka at maprotektahan ang mga konsumer laban sa mataas na presyo ng bigas.
Sinabi ni Speaker Romualdez na nais ng Kamara na muling payagan ang National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga hakbang ng Kamara ay suporta sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalakas ang sektor ng agrikultura at mai-angat ang buhay ng mga magsasakang Pilipino.
Sa unang opisyal na pag-uusap ni Speaker Romualdez at Escudero noong Huwebes sa Aguado Residence sa Malacañang, isa sa natalakay ay ang panukalang amyendahan ang RTL law.
Noong Mayo 21, inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10381 na naglalayong amyendahan ang RTL upang mas dumami ang buffer stock ng bigas sa bansa at payagan ang NFA na magbenta ng bigas sa publiko sa panahon ng emergency para mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa ilalim ng panukala, ang NFA ang magrerehistro at magbabantay sa lahat ng warehouse na pinag-iimbakan ng bigas at titiyak na nasa maayos na kalagayan ang mga stock na bigas.
Ang NFA ay inaatasan na palakihin na damihan ang binibili nitong bigas mula sa mga lokal na magsasaka at kung kakailanganin ay maaari itong mag-angkat ng bigas kung pahihintulutan ng kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ang kalihim ng DA ay maaaring magdeklara ng food security emergency kung magkakaroon ng kakapusan sa suplay na siyang magbibigay daan sa NFA upang magbenta ng bigas sa merkado.
Palalakasin din ang Bureau of Plant Industry na bibigyan ng kapangyarihan na mag-inspeksyon sa mga warehouse upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa sanitary, phytosanitary, at food safety standards.
Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay palalawigin ng anim pang taon at mula sa P10 bilyon ay gagawing P15 bilyon ang pondo na ilalaan sa mga programa para sa mga magsasaka.
Itatayo rin ang Rice Industry Development Program Management Office na siyang mangangasiwa sa implementasyon ng mga rice programs.