Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Economic Affairs ang dalawang bersyon ng Bayanihan 3.
Layon ng House Bill No. 8031 na inihain ni Marikina Rep. Stella Quimbo at ng House Bill No. 8059 na inihain naman nina Majority Leader Martin Romualdez, AAMBIS-OWWA party-list Rep. Sharon Garin at House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda na muling sindihan ang ekonomiya ng bansa at makapagbigay ng emergency aid sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo.
Sa kanyang sponsorship speech, iginiit ni Quimbo na kailangan gumastos ng malaki ang gobyerno para kontrahin ang pagbagsak ng ekonomiya.
Kulang aniya ang P4.5 trillion proposed 2021 national budget, na naglalaman ng programa para sa COVID-19 response.
“A COVID response of 248 billion pesos is not sufficient to reverse a 3.3 trillion pesos damage caused by COVID and recent typhoons,” ani Quimbo.
Kaya ipinapanukala niya sa kanyang bersyon ng Bayanihan 3 ang karagdagang P400 billion na pondo, kung saan P330 billion dito ay nakalaan para sa COVID-19 response, at P70 billion naman para sa disaster response.
“The COVID response includes an additional budget for COVID vaccines of 25 billion pesos, 70 billion for ayuda, 30 billion for displaced workers, 5 billion pesos for internet allowances for teachers and students, 100 billion for worker subsidies, 100 billion for capacity building grants for critically impacted industries,” ani Quimbo.
“On top of this, meron din 70 billion pesos para sa disaster response, 20 billion para sa ayuda at 50 billion para sa rehabilitation dahil napakaraming mga bahay ang nasira ng mga bagyo,” dagdag pa nito.
Sa bersyon naman nina Romualdez, Garin at Salceda, P302 billion ang itinutulak na karagdagang pondo, na susuporta sa proposed budget sa susunod na taon.
Ayon kay Salceda, layon ng kanilang panukala na matiyak na ang national at local government units ay makakilos at makabangon sa harap ng epekto ng mga nagdaang bagyo at mabagal na recovery sa third quarter ng taon sa gitna ng COVID-19 pademic.
Pinaglalaanan nila ng P70 billion ang pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19, pagtatag ng vaccine committee at sa pagtitiyak na sapat ang health supplies.
Aabot naman ng P40 billion ang local government support fund para sa calamity response; P100 billion para sa health at resilency related infrastructure programs; at P10 billion para sa assistance programs sa agriculture at fisheries sector.
Ang alokasyon naman para sa rent financing ay aabot ng P7 billion; P10 billion sa mga kompanyang uutang para bayaran ang 13 month pay benefits ng kanilang mga manggagawa; P10 billion para sa Tulong Para sa Displaced workers (TUPAD); P10 billion para sa Covid Assistance Measures Program (CAMP); P 10 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS); P10 billion para sa Medical Assistance for Indigents Program (MAIP); P5 billion para sa TESDA at CHED; at P10 billion para naman sa programa ng DepEd.
Naniniwala si Salceda na kailangan ang ikatlong stimulus program upang sa gayon ay hindi lubhang lumubog ang ekonomiya ng bansa dahil mahirap nang bumangon kung maraming mga negosyo ang sarado na.
Sa kanyang tantya, ang gagastusin sa kanilang bersyon ng Bayanihan 3 ay karagdagang 1.5 percent lamang ng incremental deficit sa gross domestic product.