Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang buong suporta ng Kamara sa mga inisyatiba na naglalayong itaguyod ang edukasyong pangkalusugan at mapalawak ang access upang mapangalagaan ang ngipin ng bawat Pilipino.
Ito ang mensahe ni Speaker Romualdez sa ika-115 Convention ng Philippine Dental Association (PDA) na ginanap sa SMX Convention Center sa Mall of Asia complex sa Pasay City.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kabilang din sa isinasaalang-alang ng Kamara ang mga panukalang batas na magbibigay ng libreng medical at dental services, partikular sa mga mahihirap na batang Filipino.
Binigyan diin ni Speaker Romualdez na ang kalusugan ng ngipin ay mahalaga, ngunit kalimitan ay napapabayaang aspeto ng pangkabuuang kalusugan ng isang Pilipino, na nakakaapekto sa paraan ng pagkain, pagsasalita at pakikisalamuha sa kapwa.
Dagdag pa rito, ayon sa mambabatas ay napakaraming mga Pilipino ang nagdurusa sa pananakit ng ngipin na maaari namang maiwasan.
Batay sa datos, sinabi ng lider ng Kamara na pito sa bawat 10 Pilipino ang may sirang ngipin. Kung saan ayon din sa ulat World Health Organization noong 2020, katumbas ng 825 milyong dolyar ang nasayang na pagkakataon ng Pilipinas, sanhi ng limang nangungunang sakit sa bibig.
Sinabi ni Romualdez upang matugunan ito, mayroong mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan. Gaya ng pagsasama ng dental health sa Republic Act 11223, o ang Universal Health Care Act bilang pangunahing serbisyong pangkalusugan na matatanggap ng bawat Pilipino.
Gayundin aniya, ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion, o TRAIN law, ay nagpatupad ng mas mataas na buwis sa mga matatamis na inumin upang mabawasan ang pagkonsumo sa mga ito at maiwasan ang mga karaniwang sakit sa bibig.
Inanyayahan ni Speaker ang lahat ng stakeholders, na magkaisa at sama-samang isulong ang kampanya na hikayatin ang publiko na regular na magpakonsulta, itaguyod ang pagpili ng masustansyang pagkain, at bigyan ng kamalayan kaugnay sa benepisyong saklaw ng kanilang healthcare coverage.