Suportado ng Kamara ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar sa bansa.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na suportado nila ang direktiba ng Pangulo bagkus anumang mapanganib sa kalusugan ng publiko ay dapat panghimasukan at may gawing mga hakbang ang gobyerno upang mahinto o maresolba ito.
Ayon kay Ceyatano, bagamat nauna nang sinabi na hindi gaanong mapanganib na alternatibo ang vape para sa mga sigarilyo, natukoy sa mga pag-aaral kamakailan na may dala ring mapanganib ito na epekto sa katawan ng isang indibidwal.
Kamakailan lang ay inihain ni Biñan City Rep. Marlyn Alonte ang panukalang batas na naglalayong i-regulate ang paggamit ng mga vaping products.
Ayon kay Cayetano, diringgin nila ang panig ng lahat ng concerned parties bago magdesisyon sa panukalang batas na inihain ni Alonte.
Una rito, inaprubahan na rin ng Kamara ang panukalang batas na nagpapataw ng mas mataas na excise taxes sa tobacco products, kabilang na ang mga vapes.
Sa kabila ng utos ng Pangulo, naniniwala si Cayetano na dapat na ituloy ng Kamara ang mungkahi nito na taasan ang buwis sa vapes.