Tiniyak ng pamunuan ng House of Representatives na tutulong sa giyera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa smuggling at hoarding ng bigas at iba pang mga produktong agrikultural.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez isang araw matapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.
“We share the President’s anger and frustration with smuggling, hoarding and price manipulation. We will redouble our efforts to stop the smuggling and hoarding of rice, sugar, onions, garlic, and vegetables, which harms our farmers’ competitiveness and disrupts the agricultural value chain,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Binigyang-diin ni Romualdez na sila sa Kongreso ay tutulong din para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“We shall safeguard the interests of our farmers and our people in general, ensure equitable market conditions, and foster sustainable farming methods to guarantee our nation’s food security,” dagdag pa ni Romualdez.
Inulit din ng House leader ang sinabi ng Pangulo na bilang na ang araw ng mga smuggler, hoarder, at price manipulator.
Binanggit rin ni Speaker Romualdez ang pahayag ng Pangulo na umuunlad na ang sektor ng agrikultura.
“Masigla at patuloy na umuunlad ang sektor ng agrikultura. Napababa natin ang presyo ng mga pagkain mula sa agrikultura at napapataas naman ang kita ng mga magsasaka at mangingisda,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nangako rin si Speaker Romualdez na babantayan nito ang presyo ng mga produkto.
“We will continually check on prices, especially of staples like rice, vegetables, meat, onions, and garlic, to protect our people from hoarding, price manipulation, unreasonable price increases, and other practices in restraint of trade that hamper competition,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga departamento at ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga magsasaka upang makakuha ng mga bagong teknolohiya at kagamitan ang mga magsasaka.
Magugunita na nagsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Agriculture and Food kaugnay ng biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas na umabot sa P600 kada kilo sa huling bahagi ng 2022.
Nakakuha ang komite ng mga ebidensya na mayroong kartel na nasa likod ng pagtaas ng presyo. Iniuugnay sa operasyon ng kartel ang iba’t ibang kompanya na mayroon umanong kinalaman sa negosyanteng si Lea Cruz.
Pinasinungalingan naman ni Cruz ang alegasyon.
Sa kanyang SONA, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kanyang galit sa mga smuggler at hoarder.