Nangako si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na tututulan ng House of Representatives ang anumang pag-aresto na gagawin ng China sa loob ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sinabi ni Romualdez na hindi kukunsintihin ng Kamara ang anumang pag-aresto sa ating mga mamamayan o mangingisda sa loob ng sarili nating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga agresibong pahayag ng China ay isang tahasang pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea.
Aniya, ang mga unilateral na aksyon na ito ay lantarang lumalabag sa internasyonal na batas at sa itinatag na mga pamantayan na gumagabay sa Pilipinas at iba pang mga bansang sumusunod sa batas na may mga claim sa West Philippine Sea.
“China must respect international rulings and act as a responsible member of the global community, rather than imposing its own laws unilaterally and bullying other nations,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Kabilang sa exclusive economic zone ng Pilipinas ay ang Scarborough o Panatag Shoal sa Zambales at Pangasinan, kung saan sinakop ito ng China nuong 2012 at ang Ayungin Shoal sa Palawan kung saan naka station dito ang BRP Sierra Madre.
Inihayag ng China na binigyan na ng go signal ang kanilang Coast Guard na ikulong ng 60 araw na walang paglilitis ang mga banyagang dumadaan sa kanilang inaangkin na teritoryo.
Inaako ng Beijing ang halos lahat ng lugar sa West Philippine Sea na bahagi ng EEZ ng Pilipinas.