Nangako si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na magiging katuwang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Kamara de Representantes sa pagtiyak na mayroong suplay ng abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag bilang reaksyon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation rate ng bansa noong Setyembre sa 1.9 porsyento mula sa 3.3 porsyento noong Agosto at 4.4 porsyento noong Hulyo.
Ang naitalang inflation rate noong nakaraang buwan ang pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.
Tinukoy ni Speaker Romualdez ang naging desisyon ng Pangulo na ibaba ang taripa sa pag-import ng bigas mula 35 porsyento ay ginawa na lamang itong 15 porsyento at ang direktang pagbebenta ng murang bigas ng gobyerno sa publiko sa pamamagitan ng mga Kadiwa store.
Binanggit din ng kinatawan ng Leyte ang mga pangunahing programa ng Pangulo – ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) at ang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFF) – na bumisita sa 24 na lugar sa buong Pilipinas, na nakapagbigay na ng mahigit P10 bilyong halaga ng mga serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal sa mahigit 2.5 milyong pamilyang Pilipino.
Umaasa si Speaker Romualdez na magpapatuloy ang pagbagal ng inflation rate o maitala ito sa pinakamababang lebel ng target na 2 hanggang 4 na porsiyento ngayong taon.