Nangako si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na patuloy na itataguyod ang kapakanan ng mga manggagawa, kasama na ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kinilala ng Kamara ang kahalagahan ng mga manggagawa, nasa Pilipinas man o ibang bansa, sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kilala ang mga manggagawang Pilipino sa pagkakaroon ng natatanging work ethics, pagiging malikhain, at kakayanan na umangat sa mga hamon na kinakaharap nito.
Sa kanyang mensahe ngayong Labor Day, sinabi ni Romualdez na nananatili ang kanilang commitment na siguruhin ang kapakanan ng mga manggagawa.
Isusulong aniya ng Kamara ang mga panukalang batas na gagarantiya sa patas na labor practices, promotion ng safety at health standards at titiyak na ang lumalagong ekonomiya ay mararamdaman ng lahat.
Paliwanag ni Romualdez, isusulong ng gobyerno ang paglikha ng maraming trabaho kung saan napoprotektahan ang karapatan sa paggawa at yumayabong ang oportunidad sa ekonomiya.
Dagdag pa nito, kanilang palalakasin ang mga hakbang upang maibigay sa mga manggagawa ang kinakailangang kasanayan sa pamamagitan ng edukasyon at training programs.
Kasabay nito, binigyang-pugay ng House Speaker ang mga manggagawa sa loob at labas ng bansa na nagpamalas ng dedikasyon at nagsisilbing lakas hindi lamang dahil sa kanilang pagsisikap at katatagan kundi sa mga kontribusyon sa pag-unlad ng lipunan.
Punto ni Romualdez, kilala at inirerespeto ang mga Pilipino sa global stage dahil sa di matatawarang work ethic, pagiging malikhain at abilidad na malampasan ang mga hamon na nagpapausbong sa mga industriya.