-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ng Kamara  sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matugunan ang mataas na presyo ng pagkain at kuryente at mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mali ang gagwing paggamit sa pondo ng taumbayan, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Ngayong araw,  Enero 13, ay muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso matapos ang Christmas break.

Iniimbestigahan ng Quinta Comm, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ang mga isyu ng agricultural smuggling, hoarding, at price manipulation, na natukoy na nagpapataas sa food inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng pagkain.

Iniimbestigahan naman ng House Committees on Ways and Means at Legislative Franchises ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak na nagagampanan nito ang kanilang obligasyon, nagbabayad ng tamang buwis, at tama ang sinisingil sa mga konsumer.

Itutuloy din ng Quad Comm ang imbestigasyon sa mga isyu ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), at ang kaugnayan nito sa money laundering, at extrajudicial killings (EJKs) noong administrasyong Duterte.

Ang House Blue Ribbon Committee naman ang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na kuwestyunable ang ginawang paggastos nit Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Gonzales na sisilipin din ng Kamara ang pagdami ng mga vlogger at internet troll na nagpapakalat ng maling impormasyon.

Sinabi ng kongresista na tatalakayin ng Kamara ang mga nalalabing panukala na naglalayong palakasin ang ekonomiya at para sa kapakanan ng publiko, gaya ng House Bill 9729 na naglalayong pamaramihin ang produksyon ng mga MSMW sa pamamagitan ng pagpapahirap ng mga kagamitan sa kanila.

Mayroon din umanong panukala na magbibigay ng insentibo sa mga barangay micro-business para magparehistro upang maging mapadali ang pagbibigay ng tulong sa kanila ng gobyerno, ani Gonzales.

Sinabi ni Gonzales na gagawa rin ang Kamara ng amyenda sa Universal Health Care Act upang madagdagan ang benefit package at manawasan ang premium contribution ng mga miyembro.

Ipagpapatuloy din umano ang pagtalakay sa National Flood Control Plan para matulungan ang mga lugar na madalas bahain.

Nananatili rin umanong prayoridad ang edukasyon at ipapasa ang mga panukala gaya ng paglikha ng Private Basic Education Voucher Program, Bureau of Private Education, at libreng assessment fees sa mga Senior High School students sa technical-vocational tracks.

Sa pagbubukas ng huling yugto ng 19th Congress, muling iginiit ni Gonzales ang pangako ng Kamara na paglilingkuran ang taumbayan.