Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na kanilang pagtutuunan ng pansin ang pagpasa sa mga panukalang batas na magpapatibay sa national security posture ng bansa at ang paglago at pag-unlad sa ekonomiya ng Pilipinas sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.
Sa mensahe ni Speaker Romualdez sa ginanap na Foreign Policy Forum sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs, kaniyang sinabi na tututukan nila ang pagpapalakas sa national security at defense.
Sinabi ni Speaker, mahalaga aniya ang pagprotekta sa soberanya at pagkamit sa development goals nang walang hinaharap na external threats.
Ibinida rin ni Romualdez na itinaguyod ng Mababang Kapulungan ang proactive engagement at kooperasyon alinsunod sa foreign policy ni Pangulong Bongbong Marcos na “a friend to all and enemy to none”.
Paliwanag pa ng House Speaker, sa gitna ng nangyayaring hidwaan at pagtama ng kalamidad sa Middle East dulot ng climate crisis ay lalong dapat umiral ang kolaborasyon at pagtutulungan sa pagtugon sa mga suliranin sa halip na maging mapag-isa.
Dagdag pa ni Speaker na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay binuhay at pinalalim pa ang international relationships na nagbibigay-diin sa papel ng Pilipinas sa regional politics at sa seguridad.
Kabilang na rito ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan at ang matagumpay na hosting ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum.