Kumpiyansa si Speaker Ferdinand Martin G. Romuladez na mapapabagal pa ng administrasyong Marcos, katuwang ang Kamara de Representantes, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation rate.
Ito ang reaksyon ng pinuno ng Kamara kaugnay ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal sa 3.7 porsiyento ang inflation rate noong Hunyo mula sa 3.9 porsyento noong Mayo.
Ang pagbagal ng inflation rate ay dulot ng mababang gastos sa enerhiya at transportasyon.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa mahusay na pamamahala sa ekonomiya ng bansa.
Aniya, naitala ang pagbaba sa kabila ng patuloy na pandaigdigang hamon, kabilang ang pagkaantala sa supply chain at kawalang-katatagan sa pananalapi ng mga bansang may malalaking ekonomiya.
Ayon pa kay Speaker Romualdez susubukan ng Mababang Kapulungan na tapusin ang mga amyenda sa EPIRA bago ang Christmas recess ng Kongreso.
Ang singil sa kuryente sa Pilipinas ay isa sa pinakamataas na presyo sa ASEAN rehiyon.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pag-amyenda sa EPIRA ay isasagawa kasunod ng pagsisiyasat sa kalagayan ng enerhiya sa bansa.
Ikinatuwa naman ng pinuno ng Kamara ang pagbagal ng inflation rate sa bigas, na ayon sa ulat PSA ay bumaba sa 22.5 porsiyento noong Hunyo mula sa 23 porsiyento sa buwan ng Mayo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na target ng dministrasyon na maibaba pa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng direktang pagbebenta sa mga mamimili sa pamamagitan ng Kadiwa stores at subsidiya.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez ang pagsuporta ng Kamara sa magsasaka sa pamamagitan ng farm inputs, imprastraktura, at iba pang tulong upang mahikayat silang madagdagan ang kanilang ani.
Binanggit ng pinuno ng Kamara na pinalalakas ng administrasyon ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng suporta sa sektor ng agrikultura at manufacturing, pagbawas sa importasyon, at pagpapanatili ng presyo ng mga pangunahing bilihin.