ILOILO CITY – Umaasa si Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas na makakalusot sa Senado ang counterpart bill na Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa Senior High School (SHS).
Ito ay kasunod ng pagkalusot ng House Bill 8961 sa ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Tupas, isa sa mga authors ng nasabing panukala, sinabi nito na kabilang sa kanyang naging basehan sa pag-endorso sa mandatory ROTC ay ang pagbalik ng hollistic at development training sa mga estudyante.
Ayon kay Tupas, ang mandatory ROTC ay mabisang paraan daw upang maging handa ang SHS Students sa larangan ng nation building at disaster preparedness.
Maliban dito, mas maipakita ng mga estudyante ang kanilang pagkanasyonalismo, pagkabihasa sa larangan ng kasaysayan at magsilbing inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon.
Sakaling makapagtapos ng basic ROTC ang isang estudyante, maaari na itong makapag-apply sa lateral entry ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Exempted sa Mandatory ROTC ang mga physically and psychologically challenge at mga varsity player.