-- Advertisements --

Wala pang natatanggap na opisyal na kopya ang Kamara de Representantes kaugnay ng inihaing petisyon sa Supeme Court (SC) na kumukuwestiyon sa impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang inihayag ni House Secretary-General Reginald “Reggie” S. Velasco.

Sinabi ni Velasco na nalaman lamang nila ang tungkol sa mga petisyon base na rin sa mga ulat ng media.

Dahil dito, ayon kayVelasco, hindi pa maaaring magbigay ng opisyal na pahayag ang Kamara tungkol sa usapin.

Binigyang-diin din ni Velasco na sinunod ng Kamara ang lahat ng itinakdang proseso sa Saligang Batas sa pagsasagawa ng impeachment

Noong Pebrero 5, inaprubahan ng Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Duterte dahil sa mga alegasyon ng pakikipagsabwatan upang ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malawakang katiwalian, at iba pang akusasyon.

Matapos ito, ipinasa sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis.

Nakatakdang magsimula ang Senado bilang impeachment court, para sa paglilitis sa mga darating na buwan.