Walang raw nakakarating na anumang banta sa seguridad sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Sergeant at Arms at Major General Romeo Prestoza na walang nakakarating sa kanila na actual threat sa SONA.
“We have a very good coordination with all the intelligence units ng Armed Forces including NICA [National Intelligence Coordinating Agency] relative sa possible threat. If ever, naka-prepare naman kami,” dagdag pa nito.
Para matiyak ang seguridad sa Kamara, kung saan idaraos ang SONA, sinabi ni Prestoza na sumasailalim sa kanilang sa mahigpit na training at seminars para sumabak sa mga simulation at tabletop exercises.
Kahit yung mga protocols aniya kapag magkaroon ng anumang emergency, ginagawa rin daw nila.
Samantala, sinabi naman ni House Secretary-General Dante Roberto Maling na naimbitahan na sa ika-apat na SONA ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng ehekutibo, dating mga pangulo at government officials, mga miyembro ng diplomatic corps gayundin ang ilang local government officials.
Subalit hindi pa raw niya nakukumpirma kung sino sa kanila ang tiyak na dadalo sa nasabing event.
Nasa 1,500 na upuan sa loob ng plenaryo ang available daw sa SONA para ma-accomodate ang lahat ng mga dadalong bisita.