-- Advertisements --

Aktibo na muli sa social media ang TV host na si Raymond Gutierrez ilang linggo matapos malagay sa “hot seat” ng mga batikos.

May kaugnayan ito sa usap-usapan na pagsasara ng isang restaurant sa BGC, Taguig, kasunod umano ng idinaos niyang magarbong birthday party.

Puro patungkol sa quality time sa pamilya ang sentro ng online updates ng kakambal ng aktor na si Richard Gutierrez, gayundin ang mga natutunan daw niya sa buhay.

Idagdag pa rito ang kanyang healthy lifestyle gaya ng pagsalang muli sa gym sessions.

Walang direktang tinukoy si Raymond, pero para sa mga netizen, nais na raw nitong mag-move on sa isyu at mabuhay na may positive vibes.

“With a lot of lessons learned, big or small, I’m ready to face the rest of 2021 with optimism. Remember to always surround yourself with people who believe in your dreams and lift you up when you need it most. #TuloyAngBuhay” bahagi ng kanyang caption sa latest picture.

Una rito, sa kumalat na mga larawan, hawak ni Raymond ang cake habang napapalibutan ng napakaraming bisita na paglabag sa health protocols dahil walang social distancing.

Kung maaalala, sunod na pinutakti ng batikos ang talk show host na si Tim Yap na sa Baguio naman idinaos ang engrandeng bday party, ngunit ito ay nakapag-sorry na kasabay ng pagdepensa sa sarili.