Tahimik pa ang TV host na si Raymond Gutierrez ilang araw matapos maging usap-usapan ang pagsasara ng isang restaurant sa Bonifacio Global City, Taguig, kasunod umano ng idinaos niyang birthday party.
Nitong January 21 (01-21-21) ay ipinagdiwang ni Raymond, gayundin ng aktor at kambal niyang si Richard Gutierrez, ang kanilang 37th birthday.
Sa kumalat na larawan na may note caption na “everyone was PCR Tested,” hindi magkasama ang magkapatid.
Tanging si Raymond lang ang may hawak na cake habang napapalibutan ng napakaraming bisita.
Matatandaan na ang RTC-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) ay tumutukoy kung positibo o negatibo sa coronavirus ang isang pasyente.
Walang nakalagay kung sino ang nag-upload ng larawan at kung kailan nangyari ang selebrasyon pero mabilis itong na-screenshot ng netizens.
Dito na naungkat ang paglabag sa community quarantine protocols dahil dikit-dikit o walang social distancing ang mga kumukuha ng larawan at game pa raw itong na nagpaphoto-op sa iba pang attendees ng party.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine ang Metro Manila kung saan pinapayagan ng Department of Trade and Industry ang pagbubukas ng establishments, kabilang ang “24/7” operation ng restaurants.
Gayunman, mahigpit pa ring pinapaalalahanan ang mga may-ari ng establisimyento ang pag-obserba ng safety protocols gaya ng social distancing at pagbabawal sa mass gathering.
Sa panig ng tanggapan ni Taguig Mayor Lino Cayetano, giit nitong hindi kukunsintihin ang pagiging iresponsable ng mga establisimyento lalo’t hindi pa natatapos ang coronavirus pandemic sa bansa.
Ayon naman kay Taguig Representative Lani Cayetano, maybahay ni dating Speaker of the House Alan Peter Cayetano, hindi sapat ang pagkakaroon ng “negative test result” para kalimutan ang minimum health protocols.