-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Mahigpit ng ipinagbabawal ang pagpapapasok ng mga buhay na baboy at karne pati na produkto nito sa PPalma area sa probinsya ng Cotabato bilang pamamamaraan para maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever.

Ayon kay PPalma Chairman at Libungan Cotabato Mayor Christopher “Amping”Cuan bawal na ipasok sa unang distrito ang mga buhay na baboy at meat products mula sa mga lugar na may kumpirmadong ASF outbreak o di kaya ay walang kaukulang dokumento tulad ng mga sumusunod: Certificate of Meat Inspection o COMI na magmumula sa National Meat Inspection Services(NMIS), Veterinary Health Certificate na mula naman sa lisensyadong beterinaryo, at Shipping Permit na galing sa Bureau of Animal Industry at mga Regional Veterinary Quarantine Offices nito.

Matatandaang kinumpirma mismo ni Department of Agriculture (DA-12) Regional Executive Director Arlan Mangelen ang presensya ng ASF sa tatlong mga barangay ng bayan ng Magpet Cotabato.

Ipinag utos na rin ng alkalde ang mahigpit na pagmomonitor ng mga pumapasok na buhay na baboy at mga produkto nito gaya ng mga processed pork meat products sa mga checkpoints papasok ng PPalma area kagaya ng mga bayan ng Pikit, Aleosan, Midsayap, Libungan, Pigcawayan at Alamada.

Kukumpiskahin agad ng mga otoridad ang mga produktong walang kaukulang dokumento.

Bunga nito, ay magbibigay din ng malawakang impormasyon si Mayor Cuan sa mga LGUs na sakop ng PPalma area sa lahat ng nag-aalaga ng baboy pati na yaong mga nagbebenta ng mga produkto nito.

Ipagbabawal na rin ang pagtitinda ng karne ng baboy sa labas ng palengke na walang permiso mula sa NMIS para matiyak ang kaligtasan sa pagkain nito.

Ipinag-uutos naman sa mga karinderya at restaurants na tanging sa palengke lamang bumili ng karneng baboy dahil dumaan ang mga ito sa slaughterhouse at naisyuhan ng permit mula sa NMIS.

Nagpaalala si Mayor Cuan sa mga nag-aalaga ng baboy na iwasan muna ang swill feeding o pagpapakain ng tira-tirang pagkain sa mga alagang baboy lalo pa at ito ang itinuturong dahilan ng pagkalat ng ASF sa tatlong barangay ng Magpet.

Hinikayat ang lahat na istriktong magpatupad ng ‘biosecurity’ measures sa mga hog farms para maiwasan ang posibleng pagkalat ng ASF.

Dapat agad makipag-ugnayan ang mga nag-aalaga ng baboy sa OCVET, barangay officials at animal health workers kung sakaling magkakaroon ng sakit ang mga baboy sa barangay para sa agarang aksyon ng bawat LGUs.

Maglalagay na rin ng foot baths at tire paths sa mga entry at exit point sa PPalma area upang maiwasan ang pagkalat ng ASF sa iba pang lugar.

Layunin nitong i-disinfect ang mga tao at mga sasakyang galing sa hog farms na kontaminado ng ASF.