CENTRAL MINDANAO-Sa kabila ng pananatili ng Alert Level 1 at pagluwag ng mga restrictions sa COVID19 sa lungsod, hindi pa rin tumitigil ang City Government ng Kidapawan sa mga hakbang nito laban sa naturang sakit.
Katunayan, ay agad nitong ipamamahagi sa mga frontliners sa City Hospital, City Health Office, at City Epidemiology Surveillance Unit ang mga Personal Protective Equipment o PPE sets na natanggap mula sa Department of Health o DOH12 bilang suporta ng departamento sa kampanya ng lungsod laban sa COVI19.
Dumating sa City Health Office ang abot sa 10,000 PPE sets mula sa DOH12 bilang first batch of delivery habang ang second batch ay inaasahang darating sa susunod na mga araw, ayon kay Dr. Jocelyn E. Encienzo, ang City Health Officer ng Kidapawan.
Kabilang sa mga dumating na PPE sets ay mga face o surgical masks, latex gloves, head cover, aprons, surgical gowns, at shoe cover na pawang mga standard o dumaan sa quality assurance, dagdag pa ni Encienzo.
Malaking tulong naman ito para sa mga frontliners na nakatalaga sa government hospital, health and isolation facilities kabilang na ang mga doktor, nurses, technicians, laboratory, maintenance personnel at maging ang mga nagtatrabaho sa iba’t-ibang departamento ng pampublikong pagamutan.
Ikinatuwa ito ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista dahil alinsunod ito sa kanyang mandato na panatilihing ligtas ang mamamayan sa pamamagitan ng bakuna laban sa COVID19 at panatilihin ang pinaiiral na minimum health standards.
Sa panig naman ng DOH12, naglaan ito ng sapat na pondo mula sa national government para sa pamamahagi ng mg PPE sa iba’t-ibang government hospitals and health care facilities upang mapanatili ang ibayong kampanya laban sa COVID19 at iba pang mga sakit o karamdaman.