CENTRAL MINDANAO- Sa kabila ng banta at krisis na dulot ng Covid19 pandemic, nananatiling aktibo ang City Government sa pagpapatupad ng mga programa kontra illegal na droga sa lungsod ng Kidapawan.
Bago lang inilunsad ng Balik Pangarap Program ang Bata Kontra sa Droga Council na dinaluhan ng may dalawampu at limang mga dating gumagamit ng illegal drugs sa Barangay Poblacion at sampu naman sa Linangcob.
Layon ng paglulunsad na matulungan ang mismong Pamahalaang Pambarangay ng Poblacion at Linangcob sa kampanya nito sa pagsasawata sa problema ng illegal na droga.
Naiulat mismo ng kapulisan sa lungsod ang bilang ng mga pag-aresto sa mga gumagamit ng illegal na droga matapos sumailalim ang lungsod sa Modified General Community Quarantine kontra Covid19.
Makikipagtulungan ang mga Batang Poblacion at Linangcob Kontra Droga sa mismong Barangay Drug Abuse Council o BADAC, pati na rin sa mga programa at proyekto ng mismong Barangay Peace and Order Council, ani Balik Pangarap Program Coordinator Joel Aguirre.
Ibinigay naman ni City Information Officer Atty Jose Paolo Evangelista sa mga kasapi ng Batang Poblacion at Linangcob Kontra Droga ang kanilang panunumpa hudyat ng pagsisimula ng kanilang pakikipagtulungan sa Pamahalaang Pambarangay.
Ilulunsad din ng Balik Pangarap Program ang Bata Kontra Droga Council sa iba pang mga barangay ng lungsod sa mga susunod na araw.