CENTRAL MINDANAO-Hinikayat ngayon ni Kabacan Cotabato Mayor Evangeline Pascua-Guzman ang mga residente na huwag matakot pumunta sa Rural Health Unit at alamin ang estado ng kanilang kalusugan sa usapin ng Human Immuno-deficiency Virus.
Aniya, hindi dapat ikatakot ito lalo’t nakakatiyak ang bawat indibidwal na magiging confidential ang kanilang testing. Dagdag pa nito, sa makabagong pag-aaral ng mga siyentipiko sa usapin ng HIV/AIDS ay may mga kasong tuluyang gumaling na at hindi ito ang sintensya ng isang tao.
Kasunod ito sa pinakabagong ulat ng DOH XII-Center for Health and Development. Batay sa datos, may kabuuang 48 cases (1984-June 2022) ang bayan sa buong lalawigan ng Cotabato katulad ng bayan ng Midsayap at parehong pumangatlo sa may pinakamataas na kaso.
Nangunguna ang lungsod ng Kidapawan na may 124 na kaso, sinundan ng M’lang na may 54 cases at ang bayan ng Midsayap at Kabacan na may parehong 48 na kaso.
Paliwanag pa ni Mayor Gelyn, maliban sa pagpapatest, palalakasin ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa usapin ng kalusugan.
Tiniyak din nito na bukas ang tanggapan ng RHU upang magbigay ng serbisyo kaugnay sa nasabing sakit at sa iba pang karamdaman.