Nananatiling positibo si Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino sa mararating ng mga Pinoy athletes sa nagpapatuloy na Paris Olympics.
Ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pagkaka-eliminate ng mga atleta ng bansa sa kanilang mga events, panghuli si Tokyo bronze medalist Eumir Marcial na hindi na umusad mula sa unang elimination fight.
Ayon kay Tolentino, nakakalungkot man ang nangyari kay Marcial ngunit kailangan pa ring umusad ang team para sa hinahangad na Olympic medal.
Aniya, ang kampanya ng Team Philippines para sa medalya, lalo na para sa ginto ay nananatiling ‘on track’ sa kabila ng mga naunang elimination.
Ikinalungkot din ng opisyal ang tuluyang pagkatalo ni Marcial sa kanyang bagitong kalaban, lalo na aniya at todo-todo ang ginawa niyang pag-ensayo kahit noong bago pa man nagsimula ang Olympics.
Maliban kay Marcial, bigo ring umusad sa mas mataas na elimination ang transman boxer na si Hergie Bacyadan, rower na si Joannie Delgaco, gymnasts na sina Levi Ruivivar, Emma Malabuyo, at Aleah Finnegan, at swimmer na si Kayla Sanchez.