Tinawag ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino ang kampanya ng Team Philippines sa katatapos na Paris Olympics bilang matagumpay.
Ayon kay Tolentino, ninais ng Team Philippines noon ang mas maraming medalya pero wala na aniyang ibang mahihiling pa kasunod ng dalawang gintong medalya at dalawang bronze na iuuwi dito sa Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, ang Pilipinas ang nagsisilbing best performer sa Southeast Asian habang No. 7 naman sa buong Asya.
Natutuwa rin ang opisyal sa pagpapakitang-gilas ng mga Pinoy athletes laban sa mga ‘best’ athletes sa buong mundo. Nagawa aniya ng Pilipinas na ma-outperform ang mga kalapit-bansa at iba pang dating powerhouse countries sa Asya.
Batay sa ranking sa buong Asya, ang China ang nagsisilbing No. 1 na may 39 gold medal. Sumunod dito ang Japan na may 18; pangatlo ang South Korea na may 13; pang-apat ang Uzbekistan na may walo at panglima ang Iran na may tatlo.
Nakuha naman ng Chinese Taipei ang pang-anim na pwesto na may dalawang gintong medalya at limang bronze at sunod ang Pilipinas, hawak ang dalawang ginto at dalawang bronze.
Sumusunod sa Pilipinas ang bansang Indonesia na mayroon ding dalawang gintong medalya ngunit iisang bronze medal.