Natapos na ang kampanya sa Paris Olympics ng mga Filipina gymnast na sina Levi Ruivivar, Emma Malabuyo, at Aleah Finnegan.
Nabigo ang mga ito na makapasok sa Top 24 ng artistics gymnastics na ginanap sa Bercy Arena.
Lumaban ang tatlo sa Subdivision 3 kung saan nagsimula sa balance beam.
Nakakuha si Ruivivar ng 11.866 points, habang mayroong 11.466 points si Finnegan at 12.233 points naman si Malabuyo.
Sa floor exercise ay nakatanggap ng 12.733 si Finnegan, mayroong 13.100 si Malabuyo at 12.433 naman si Ruivivar.
Sa vault naman ay mayroong 13.600 points si Ruivviar at 13.266 si Malabuyo habang si Finnegan ay mayroong 13.383.
Nagtapos ang kanilang rotation sa uneven bars kung saan nakakuha ng puntos na 12.500 si Malabuyo, habang mayroong 12.566 si Finnegan at 13.200 naman si Ruivivar.
Nangangahulugan ito na tabla sina Ruivivar at Malabuyo sa pang 28 at 29 na kabuuang puntos na 51.099 habang si Finnegan ay nasa pang 33 na mayroong kabuuang 50.498 points.
Tanging ang Top 24 na atleta lamang at top 8 sa bawat apparatus ang abanse sa Finals na mayroong hanggang dalawang atleta lamang kada bansa ang maaaring mag-qualify.
Kahit na bigo ang tatlo ay nakapagtala na sila ng kasaysayan dahil sa loob ng 60 na taon ay ngayon lamang muli na may pambato ang bansa sa gymnasts sa Olympics.
Noong 1964 kasi ay sumabak sa Olympics sina Evelyn Magluyan at Maria-Luisa Floro.