DAVAO CITY – Tiniyak ng Police Regional Office-11 (PRO-11) na magpapatuloy ang kanilang pagtutok sa iba’t ibang mga investment schemes sa Davao region partikular na sa Tagum City at Carmen sa Davao del Norte.
Bago ito maraming kompaniya na nag-aalok ng malaking porsyento sa kanilang mga investors ang ni-raid kahapon ng mga kapulisan sa pangunguna ni Brig. Gen. Marcelo Morales, PRO-11 regional director, Davao del Norte provincial police office director Col. Ferlu Selvio at mga personahe ng DTI Davao del Norte kung saan kanilang nalaman na karamihan sa mga ito ay walang sapat na mga dokumento.
Sinasabing sa 30 mga kompaniya na kinokonsiderang investment schemes, 22 sa mga ito ang walang sapat na mga dokumento habang pito naman ay may mga papeles ngunit kailangan pa rin nila itong imbestigahan.
Ayon pa kay Gen. Morales, kailangang sumunod ang mga kompaniya sa batas at kailangan na kompleto ang mga dokumento ng mga ito.
Samantalang sinabi naman ni Col. Ferlu Selvio, provincial director ng Davao del Norte Provincial Police Police Office (DDNPPO) na ginawa lamang nila ang nasabing hakbang para maprotektahan ang publiko laban sa mga panloloko.