-- Advertisements --
Boracay Island (photo from DiscoverMNL)

KALIBO, Aklan – Lalo pang pinaigting ng kapulisan ang kampanya laban sa prostitusyon sa isla ng Boracay.

Ito ay kasunod sa pagkaaresto sa anim na bugaw at pagkaligtas sa 33 babae sa isinagawang raid sa apat na establisyemento ng pinagsanib na pwersa ng Malay Police Station, Aklan Port-based Anti-Human Trafficking Task Force, MSWDO-Malay, 2nd Aklan Provincial Mobile Force Company, at 605th Maritime Police Station.

Ayon kay Capt. Jose Mark Anthony Gesulga, hepe ng Malay PNP, kinasuhan na nila sa paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang anim na bugaw na kinilalang sina Richard Sausa, 42; Kevin Martin, 26; Mark Vincent Faulan, 23; Matias Male, 23; Fernando Fajardo, 43; Rebecca Cainglet, 56, at Karen Belonio, 22.

Sinabi pa ni Gesulga na mga habal-habal at tricycle drivers ang kadalasang nagdadala ng mga customers sa mga bugaw na binibigyan ng referral fee.

Karamihan sa mga babaeng na-rescue ay nagmula sa katabing Negros Island, Bacolod City, Mindoro at Maynila.

Aminado ang pulisya na sa muling pagbuhos ng mga turista sa isla simula ng ito ay buksan sa publiko na lumala rin ang problema sa prostitusyon.