CAUAYAN CITY- Isinailalim sa lockdown ang kampo ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army na nakahimpil sa Echague, Isabela matapos na magpositibo sa COVID 19 ang isang sundalo.
Sa naging panayam ang Bombo Radyo Cauayan kay Army Captain Mark Plete, Commanding Officer ng Bravo Company 5th CMO Battalion ng 5th Infantry division Philippine army, sinabi niya na unang nakaranas ng kawalan ng panlasa at sore throat noong July 28, 2020 ang nasabing sundalo at nang isinailalim sa SWAB test noong July 29 ay lumabas na positibo sa virus
Ang nasabing sundalo ay 33 anyos na residente ng Baguio City ngunit walang history ng pagbiyahe sa mga lugar na infected ng COVID 19 at siya ang naaatasan na mamalengke sa pamilihang bayan ng Echague.
Tuloy-tuloy ang isinasagawang contact tracing sa mga direct at 1st degree contact ng nasabing sundalo.
Kasalukuyan na ring naka isolate ang limang sundalo na direct contact ng sundalong positibo sa virus at sasailaim sila 21 day quarantine.
Inihayag ni Captain Plete na tatalima ang kanilang hanay sa mga health protocols na ibinaba ng DOH sa pamamagitan ng pagkakaroon ng logbook kung saan nakatala ang kanilang pinupuntahan at pag-sanitize ng mga sasakyan at personnel na papasok sa loob ng kampo.
Tiniyak ng Army Captain na bagamat nakapagtala ng kauna unahang kaso ng COVID 19 sa kanilang unit ay magpapatuloy pa rin ang magandang serbisyo ng militar sa taumbayan.