CENTRAL MINDANAO – Nagkasagupa muli ang militar at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman, Major Arvin Encinas na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Joint Task Force sa Sitio Monquez, Brgy Malingao, Shariff Aguak, Maguindanao naka-engkwentro nito ang mga miyembro ng BIFF.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala ng mga sundalo at mga terorista.
Nagdulot naman ng takot sa mga sibilyan ang malalakas na putok ng armas kaya dumapa na lamang ang mga ito at nagtago sa loob ng kanilang mga bahay.
Umatras ang BIFF at inabandona ang kanilang kampo nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit ang 81mm mortar at 105mm howitzers cannon.
Nakubkob ng militar ang kampo ng BIFF at narekober ang mga matataas na uri ng armas, mga bomba at sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IEDs).
Dalawang mga sundalo naman ang sugatan habang hindi matiyak sa mga rebelde na tumakas papasok ng SPMS Box.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa Maguindanao.