Nakahanda ang kampo ng mga drug war victim na harangin ang posibleng paghahain ng petisyon ng defense panel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaniyang interim release sa International Criminal Court (ICC).
Ang interim release ay tumutukoy sa pansamantalang pagpapalaya sa inaakusang indibidwal habang nakabinbin pa ang pagdinig sa kaso salig sa ilang mga kondisyong itinakda ng korte.
Ayon sa isa sa mga abogado ng drug war victims na si Atty. Gilbert Andres, nakahanda silang magbigay ng kanilang mga pananaw at concerns para hilingin sa korte na ibasura ang petisyon sakaling magsumite ng aplikasyon para sa interim release ang kampo ng dating Pangulo.
Sinusugan din ito ni ICC assistant to counsel Atty. Kristina Conti at sinabing kanilang tututulan ang naturang hakbang dahil ito ay taliwas sa interes ng mga biktima dahil ang dating pangulo umano mismo ay nagdudulot ng banta.
Ginawa ng kampo ng drug war victims ang pahayag matapos sabihin ng defense lead counsel ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na plano ng kanilang kampo na maghain ng petisyon para sa interim release ni Duterte.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte matapos arestuhin sa bisa ng warrant of arrest mula sa ICC noong Marso 11.
Nakatakdang muling humarap sa international tribunal sa The Hague, Netherlands si Duterte sa Setyembre 23 para sa kumpirmasyon ng kasong inaakusa laban sa kaniya may kinalaman sa umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagpatay sa madugong war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.