Itinanggi ng kampo ng may-ari ng lumubog na MT Terranova na Portavaga Ship Management Inc. na sangkot ito sa oil smuggling.
Paliwanag ng tagapagsalita ng naturang shipping company na si Atty. Leonell Mojal-Infante, tanging sa mga kilalang kompaniya ng langis lamang nakikipag-transaksiyon ang Portavaga simula noong 2003 at hindi kailanman nasangkot sa smuggling.
Handa din aniyang harapin ng mga opisyal ng shipping company ang anumang imbestigasyon at iginiit na hindi nagtatago ang mga ito dahil mayroon silang kumpletong permits, mga lisensiya, at certificates mula sa Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority, at Philippine Ports Authority.
Imposible din aniya ang alegasyong sangkot sila sa smuggling ng langis o ‘paihi’ dahil lahat ng kanilang barko ay may CCTV at lahat ng kanilang mga tangke ay selyado at binubuksan lamang sa mismong lugar na pinagdadalhan ng naturang cargoes.
Patunay aniya na may kredibilidad ang kompaniya ay hindi kailanman ito nagkaroon ng rekord ng mga reklamo mula sa kanilang kliyente kaugnay sa kulang na ipinapadalang langis.
Pinabulaanan din ng shipping company ang anumang koneksiyon umano nito sa isa pang lumubog na MTKR Jason Bradley at sumadsad na MV Mirola 1 na kapwa nangyari sa karagatan ng Bataan.
Tiniyak naman ng kompaniya na hindi nila tatakasan ang kanilang responsibilidad at obligasyon sa mga naapektuhan sa malawakang oil spill.
Matatandaan una ng pinalutang ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government na posibleng sangkot sa oil smuggling ang 3 barko.