LAOAG CITY – Iginiit ni dating 1st District Cong. Rudy Fariñas at isa sa mga kandidato sa pagka-gobernador ng Ilocos Norte na may harassment kontra umano sa kanilang kampo sa kalagitnaan ng kampanya para sa 2022 elections.
Sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo Laoag kay Fariñas, sinabi nito na nagtungo ang kanyang grupo sa opisina ni Provincial Election Supervisor Joel Gines upang pormal na ireklamo ang harassment sa kanila.
Ayon kay Fariñas, isa sa mga harassment kontra sa kanilang grupo ay ang palagiang pagtatalaga umano ng checkpoint ng mga pulis sa mga lugar na malapit sa kanilang bahay tuwing nagpapatawag ng pagpupulong.
Aniya, tila napapalibutan ang kanilang sariling bakuran ng mga pulis at kulang na lang daw pasukin ng mga ito ang kanilang mismong bahay.
Maliban dito, sinabi ni Fariñas na ilan sa mga alkalde ng segundo distrito ng probinsya ang hindi tumatanggap ng kanyang request letter para magsagawa ng campaign rally.
Sinabi nito na dahil sa makailang beses na hindi pagtanggap ng kanyang request ay idinulog niya ito sa COMELEC ngunit ng mapayagan ay tila isinasabay nga mga LGU ang pagsagawa ng mga ibang aktibidad ng bayan dahilan upang hindi matuloy ang kanyang campaign rally.
Una rito, ipinaalam ni Fariñas na naniniwala siyang may pagkaalarma ang kalaban nilang grupo dahilan ng mga death threat na natatanggap ng mga barangay officials na pabor sa kanyang panig dito sa lungsod ng Laoag.
Sa ngayon, ipinaalam ni Fariñas na ipinaabot na niya ang reklamo kontra sa kanyang kampo kay DILG secretary Eduarno Año at ipinasigurado nito na kakausapin niya ang kapulisan.
Aniya, naidulog narin ito sa provincial director ng Ilocos Norte Police Provincial Office na si Col. Julius Suriben upang mapaalalahanan ang kapulisan.
Ang kampo ng mga Fariñas ang isa sa magmaiinit na lalaban sa eleksyon sa probinsya.
Si dating Cong. Rudy Fariñas ang makakatunggali ni incubent Governor Matthew Marcos Manotoc.
Ang anak ni Rudy na si Ria Fariñas ang siyang lalaban bilang diputado ng 1st dristrict ng probinsya at katunggali nito ang anak ni dating senator Bongbong Marcos at pinsang buo ni Governor Manotoc.