-- Advertisements --

Binigyang-diin ng kampo ng mga naghain ng ikatlong impeachment case laban kay VP Sara Duterte na walang halong politika ang pagsasampa nila ng reklamo.

Matatandaang ginawa ng grupo ng mga pari at abogado ang pagsusumite ng complaint nitong nakaraang araw o bago ang bakasyon ng mga kongresista.

Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, lead counsel ng grupo, ang mga taong nagsama ng impeachment ay mga pari na abala sa maraming bagay, ngunit sadyang hinanapan ng paraan para lamang makapagsumite ng kanilang petisyon.

Giit ni Ligutan sa panayam ng Bombo Radyo, hindi dapat na bigyan ng kulay politika ang kanilang impeachment case at marapat na tingnan na lamang ang bigat ng mga argumento sa kaso.

Kaya umaasa ang mga ito na gagawan ng paraan ng mga mambabatas ang pagtingin sa reklamo, dahil seryosong bagay ito na dapat tugunan.

Naniniwala si Ligutan na kung gagawan ng paraan ng mga mambabatas ay kakayanin itong mahimay at matapos sa mas maikling panahon.

Patuloy pa namang hinihintay ang tugon ng kampo ng bise presidente.