-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Mariing itinanggi ni Municipal Administrator Renato Felipe Jr. ang naging pahayag ng New Peoples Army (NPA) na si Mayor Leticia Sebastian ng Jones, Isabela umano ang nasa likod ng pagpapasunog ng dalawang Vote Counting Machines sa barangay Sta. Isabel noong May 14, 2019.

Sa pahayag ng NPA kanilang sinabi na goons umano ng mayor ang gumawa ng pagsunog sa dalawang VCM na ginamit sa Dicamay 1 at Dicamay 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Administrator Felipe, sinabi niya na espekulasyon lamang ang paratang ng mga rebelde at ang boto sa mga nasabing barangay ay hindi makakaapekto sa pagkakadeklara ni Mayor elect Sebastian.

Mariin ding pinabulaanan ni Municipal Administrator Felipe ang paratang na mayroong private armed group ang kanilang mayor.

Anya wala umanong kakayahan ang kanilang mayor na gumawa ng kahalintulad na insidente at wala rin umano siyang pribadong armadong grupo.

Sinabi pa ni Felipe na sa katunayan ang kanilang mayor pa ang pinagtatangkaan ang buhay.