TACLOBAN CITY – Tuluyang binomba ng militar ang pinaniniwalaang kampo na pinamumugaran ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar.
Aabot sa 500 pounds na bomba ang hinulog galing sa FA50 fighter jets sa ginawang joint operations ng Central Command ng Armed Forces of the Philippines at 8th Infantry Army Division.
Ayon kay Capt. Reynaldo Aragones, tagapagsalita ng 8th Infantry Division, binomba nila ang nasabing lugar dahil dito nagkakampo ang mahigit 50 armadong rebelde na pinangungunahan ni Ceriaco Jakosalem aka Cado na walang awa na nangingiki sa mga sibilyan.
Matapos ang air strike, narekober ng mga sundalo ang dalawang sako ng landmine, iba’t-ibang uri ng mga armas at pampasabog, mga “subversive documents” at ibang gamit ng teroristang NPA.
Nasagip din ng mga sundalo ang 11 sibilyan na nasa lugar.
Dagdag ni Aragones, naniniwala sila na nalagasan ang mga rebelde habang tumatakas dahil sa mga bakas ng dugo na nakita sa kanilang dinadaan.
Ang pagbomba ay bahagi ng kampanya ng gobyerno para matigil na ang insurgency sa Northern Samar.