Ikinatuwa ng kampo ng pinaslang na gobernador ng Negros Oriental ang naging paghahain ng piskalya ng patong-patong na kasong pagpatay laban sa pinatalsik na mambabatas na si Arnolfo Teves Jr.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Janice Degamo, biyuda ng pinaslang na gobernador, masaya sila dahil nagkakaroon na ng development ang kaso ng pagpatay sa kanyang asawa.
Aniya , ang paghahain na ito ng kaso laban kay Teves ay nagpapahiwatig lamang na malapit na nilang makuha ang hinahangad nilang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay.
Kung maaalala, kinumpirma ng Department of Justice na inihain na ng piskalya ang mga kasong murder, frustrated murder at attempted murder noong August 18, 2023 laban kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ito ay may kaugnayan po rin sa pagkamatay ni Degamo at ng iba pang indibidwal sa madugong Pamplona Massacre noong March 4, ng kasalukuyang taon.
Bukod sa mga kasong ito ay na tag rin ang dating mambabatas bilang terorista sa ilalim ng Anti- Terrorism Council.
Ayon kay JustIce Assistant Secretary Atty. Mico Clavano, umaasa sila na mailalabas na ng korte ang warrant of arrest laban kay Teves sa susunod na mga araw.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpapapatay kay Degamo ngnuit mariin naman itong itinatanggi ng dating opisyal.
Samantala, parehong kaso rin ang una ng naisampa noon laban sa labing isang suspect sa degamo slay case .
Kalaunan ay binawi nila ang kanilang naging unang pahayag sa pamamagitan ng Affidavit of Recantation.
Si Teves naman ay nahaharap rin sa kaso ng pagpatay noong taong 2019 na kung saan nasawi sina Miguel Dungog, Lester Bato at Pacito Retes Libron.
Ayon sa Justice Department , naisampa na ang kaukulang kaso sa Bayawan City , Negros Oriental. at hinihiling rin nila sa Korte Suprema na mailipat sa Manila RTC ang paglilitis sa kaso.
Hinihintay rin ng mga awtoridad kung kailan ilalabas ng naturang korte ang warrant of arrest para kay Teves.