Nabuhayan ng loob ang mga pamilya ng Special Action Force (SAF) 44 o mga pulis na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao encounter.
Kasunod ito ng pagpayag ng Supreme Court (SC) na pakinggan ang apela ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na talakayin ang petisyon sa kasong kriminal laban kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay ng pagkamatay ng mga pulis noong 2015.
Matatandaang naging target nila ang teroristang si Marwan, ngunit nakasagupa rin ng grupo ang daan-daang tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, umaasa silang sa pamamagitan ng aksyon ng Korte Suprema ay lilitaw ang katotohanan na hindi raw nalantad sa imbestigasyon ng Ombudsman.
Nagtataka raw si Topacio kung bakit downgraded lang sa graft at usurpation of authority ang kasong homicide dapat nina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, dating PNP Chief Alan Purisima at dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas.