Nanawagan ang mga tagapagmana ng singer na si Sinead O’Connor kay dating US President Donald Trump na tigilan ang paggamit ng kanta nito sa kaniyang political rallies.
Noong nakaraang buwan kasi ay ginamit ni Trump ang kantang “Nothing Compares 2 U” sa kampanya nito sa Maryland.
Sinabi nila na kapag buhay pa ang singer ay malamang magagalit at maiinsulto ito sa paggamit ni Trump ng kaniyang kanta.
Sa inilabas na kalatas ng longtime label nito na Chrysalis Records, nabuhay si Sinead O’Connor ng may matapang na moralidad kung saan ito ay tapat, mabuti at pantay sa mga tao.
Magugunitang noong 2018 ay nagbanta ang legal team ni Rihanna dahil sa paggamit ni Trump ng kantang “Don’t Stop the Music” habang noong 2016 ay sumulat ang bandang The Rolling Stones kay Trump na huwag gamitin ang kantang “You Can’t Always Get What You Want”.
Ilan pa sa mga singer na nagalit kay Trump dahil sa paggamit ng kanta nila ng walang paalam sa kampanya ay sina Elton John, Adele, Bruce Springsteen at Italian opera singer na si Luciano Pavarotti.