BAGUIO CITY – Nakubkob ng militar ang isang kampo ng mga komunistang rebelde at natagpuan dito ang isang bangkay ng rebelde at isang baril kasunod ng engkwentro sa pagitan ng nasabing grupo at tropa ng 50th Infantry Battalion (IB), Philippine Army (PA) sa Babacong, Gawa-an, Balbalan, Kalinga.
Ayon kay Maj. Jekyll Julian Dulawan, Division Public Affairs Chief ng 5th Infantry Division (ID), PA, nagpapatrolya ang mga sundalo sa nasabing lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente nang paputukan sila ng higit kumulang 20 na mga miyembro ng rebeldeng grupo na pinamumunuan ng isang alyas Mio ng Platoon Guevara, Komiteng Larangan Guerilla (KLG) Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC).
Nagkawatak-watak aniya ang mga rebelde pagkatapos ng ilang minuto at iniwan ang bangkay ng kanilang kasamahan.
Patuloy naman aniya ang pagsuyod ng kasundaluhan sa mga posibleng dinaanan ng mga nagtakbuhang rebelde.
Kinilala nito ang nasawing rebelde na si Rudy Daguitan alyas Pinpin na political officer/political instructor ng KLG Baggas, ICRC na pinaniniwalaang nasawi sa engkwentro at iniwan ng mga kasamahan.
Sinabi naman ni Col. Santiago Enginco, commander ng 503rd Infantry Brigade, PA, na isang malaking dagok sa rebeldeng grupo ang pagkamatay ni Daguitan dahil mapipilay ang pag-iindoktrina at pagtuturo ng grupo ng ideolohiyang komunismo sa kanilang mga kasapi at sa mga sumusuportang masa.
Umaasa naman si MGen. Laurence Mina, commander ng 5th ID, PA na magsisilbing aral ang sinapit ni Daguitan sa mga nalalabi pang kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Patunay aniya ito na hindi pinapahalagahan ang mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Kasabay nito ay hinikayat niya ang mga natitira pang kasapi ng rebeldeng grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan at magsimulang muli bago pa mahuli ang lahat. //with report from 5th ID, PA