LEGAZPI CITY – Bibigyan pa umano ng oportunidad ng kampo ng binatukang waiter si Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos na pormal na makapag-isyu ng public apology at banggitin ang katotohanan sa insidente.
Ito ay sa kabila ng personal na pagtungo ng baguhang mambabatas sa bahay ng waiter na si Christian Kent Alejo kahapon upang humingi ng tawad.
Nilinaw ni Atty. Bart Rayco, legal counsel ni Alejo sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na hiling ng pamilya na humarap sa media ang kongresista at ihayag ang buong kuwento.
Pinabulaanan ni Alejo ang binanggit ni Delos Santos na nagawa lamang umanong saktan ito dahil sa masamang salitang binitiwan ng waiter.
Ayon pa sa abogado, hindi ito usapin ng simpleng pananakit sa kapwa kundi ang nilikhang insulto ng public official sa publiko na siyang naghalal dito sa posisyon.
Sakali namang hindi mangyari ang hinihingi, itutuloy pa rin ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo maging ethics case sa Kamara kontra sa mambabatas.
Dagdag pa nito na ngayong araw sana, Hulyo 12, nakatakdang ihain ang pormal na reklamo.