Hiniling ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Commission on Elections na ibasura ang reklamong misrepresentation na inihain ng law department ng poll body.
Sa inihaing counter-affidavit ni Guo, iginiit ng dating alkalde na nang inihain niya ang kaniyang Certificate of Candidacy idineklara umano niya ang kaniyang mga personal na impormasyon gaya ng kaniyang nasyonalidad at tirahan base sa mga hawak niyang lehitimong mga dokumento na inisyu ng gobyerno ng PH at nananatili aniyang may bisa at umiiral mula nang ihain niya ang kaniyang COC at hanggang sa kasalukuyan.
Kayat giit ni Guo hindi siya nakagawa ng anumang false material misrepresentation sa kaniyang inihaing COC.
Inihayag din ni Guo na nabigo umano ang complainant na patunayan ang alegasyon laban sa kaniyang birth certificate kung saan nakasaad na siya ay Pilipino, na kasalukuyang kinukwestyon sa inihaing quo warranto petition ng Office of the Solicitor General.
Una ng sinabi ni SolGen Guevarra na nakatakdang dinggin ang petition para sa kanselasyon ng birth certificate ni Guo sa Tarlac city RTC sa Setyembre 18.
Kinuwestyon din ni Guo ang validity ng mga piraso ng ebidensiya na iprinisenta para patunayan na siya at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay iisa.
Aniya, ito ay unwarranted at unmerited conclusion gayong hindi umano siya nabigyan ng pagkakataon para i-authenticate ang naturang resulta ng ginawang pagsusuri na nilabag umano ang kaniyang karapatan para sa due process.
Samantala, inaasahan naman na magsusumite ang law department sa kanilang magiging rekomendasyon sa kaso ni Guo sa Comelec en banc sa susunod na linggo.