Hiniling ng kampo ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa korte na ibasura ang quo warranto petition na inihain noong Hulyo ng Office of the Solicitor General para tanggalin siya sa pwesto.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, for resolution na ang naturang mosyon ng dating alkalde matapos itong dinggin ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34 noong Agosto 30.
Sakali aniyang ibasura ang motion to dismiss ng dating alkalde, aatasan siyang maghain ng kaniyang komento o kasagutan sa petition for quo warranto saka magsasagawa ang korte ng mga pagdinig at magbibigay ng hatol.
Matatandaan noong Agosto ng kasalukuyang taon, sinibak ng Office of the Ombudsman si Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac at habambuhay na diniskwalipika na maupo sa alinmang posisyon sa gobyerno dahil sa grave misconduct kaugnay sa pagkakasangkot niya sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kaniyang bayan.
Samantala, nakatakda namang dinggin ng Tarlac City Regional Trial Court ang petisyon para sa kanselasyon ng birth certificate ni Guo sa Setyembre 18.