-- Advertisements --

Itinanggi ng kampo ni Alice Guo na kilala ng dating alkalde ang umano’y big boss ng ilegal na POGO sa Pilipinas na si Lin Xunhan o kilala din bilang Lyu Dong at Boss Boga na nadakip sa Laguna noong Oktubre 10.

Ayon sa abogado ni Guo na si Atty. Stephen David, sinabi umano sa kaniya ng kliyente niyang si Guo na hindi niya kilala si Lin. Iginiit din nito na walang kaugnayan si Guo sa POGO maliban na lamang sa Chinese national na si Huang Zhiyang na bumili umano ng mga lupa mula kay Guo.

Pinabulaanan din ni Atty. David ang mga alegasyon ng lumutang na testigo na dating nag-trabaho umano kay Lin kung saan nakita niya si Guo na kilala nila bilang “Madam Wah” na nakikipag-transaksiyon sa kanilang boss.

Ani David, na naiinis umano si Guo dahil wala namang katotohanan ang mga alegasyon ng naturang testigo. Saad pa ni David na mainam na ma-cross examine ang naturang indibidwal para malaman kung saan nanggagaling ang kaniyang mga sinasabi.