Tinangka ng kampo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na pigilan ang prosekusyon sa pagpresenta ng 4 na personnel ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para tumestigo sa pagdinig sa kaniyang kasong graft sa Valenzuela Regional Trial Court Branch 285.
Ang 4 na BIR personnel na iniharap ng prosekusyon ay mula sa Bulacan at Tarlac.
Katwiran ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla, wala umanong koneksiyon ang pagharap sa mga BIR personnel sa kasong graft ng sinibak na alcalde at iginiit na dapat na pagtuunan lamang ang kaniyang graft case at hindi ang tax charges.
Subalit iginiit ng prosekusyon na nais nilang ma-establish kung may koneksiyon si Guo sa Baofu Land Development Inc. Nauna na kasing nabunyag na incorporator si Guo sa Baofu na nagpaup sa POGO na Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlc na umano’y konektado sa mga iligal na aktibidad tulad ng human trafficking.
Sa kabila naman ng naging hakbang ng kampo ni Guo, pinayagan pa rin ni Judge Orven Kuan Ontalan ang BIR personnel na tumestigo.
Lumabas din sa pagdinig na hindi nakapag-file ng anumang tax simula ng nag-apply siya para sa Taxpayer Identification Number sa Bulacaan hanggang sa nailipat siya sa Tarlac.
Samantala, magpapatuloy naman ang pagdinig sa kaso ni Guo sa susunod na martes, Enero 28.