Inilapit na ng kampo ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang kanyang mga kinakaharap kaso sa United Nations (UN) .
Nananawagan ito sa naturang international body na silipin at pag-aralan ang kanyang mga kaso.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio , legal counsel ni Teves, partikular nilang pinasisilip sa UN at sa mga special rapporteurs nito kung may naging paglabag sa karapatan ng kanyang kliyente.
Una nang iginiit ni Teves na siya at biktima lamang ng political harassment and persecution.
Inihain aniya nila ang naturang panawagan sa UN noong nakalipas na linggo lamang.
Sa ngayon , wala pang komento ang DOJ hinggil sa naturang usapin.
Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay sa gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo at iba pang nadamay sa madugong pamamaril noong March 2023.
Nasa labas ng bansa si Teves ng mangyari ang krimen at mula noon ay hindi na bumalik ng Pilipinas.
Naaresto si Teves ng International Criminal Police Organization sa Timor Leste matapos ang red notice na inisyu sa kanya noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Nitong Hunyo lamang pinaburan ng Timor Leste ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas laban kay Teves at kaagad namang naghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Teves sa Court of Appeals ng Timor Leste noong Hulyo 26.
Sa ngayon, wala pang desisyon ang CA hinggil sa naturang mosyon.