Nakatakdang ipresenta ng kampo ni Bamban Mayor Alice Guo sa susunod na pagdinig sa Senado ang mga larawan ng kaniyang ina na magpapatunay na ito ay Pilipino.
Ayon sa abogado ni Mayor Guo na si Atty. Stephen David, umaasa sila na lilitaw ang ina ng alkalde para makapagpa-DNA test ito.
Iginiit din ni David na Pilipino ang nanay ng alkalde at iniwan lamang siya at hindi rin nito nakita mula pagkabata.
Ipinaliwanag naman ni Retired Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza na mahalagang ma-establish ang citizenship ni Mayor Guo dahil sa national security concerns.
Maalala sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Mayor Guo na siya ay love child ng kaniyang magulang matapos mabuntis ng kaniyang ama ang kaniyang ina na kanilang kasambahay.
Lumabas naman sa rekord ng Senate inquiry na walang birth records ang magulang ni Mayor Guo sa PSA.
Nag-ugat nga ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado kay Bamban Mayor Guo matapos madawit ang kaniyang pangalan sa sinalakay na POGO firm sa kaniyang bayan at dahil sa mga nadiskubreng butas sa pagkakakilanlan nito dahilan para lumutang ang spekulasyon na hindi siya totoong Pilipino o espiya ng China.