Itinanggi ng kampo ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kaugnayan ng alkalde sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping na ayon kay Senator Sherwin Gatchalian ay posibleng si Mayor Guo din.
Ayon sa abogado ni Mayor Guo na si Atty. Stephen David, maraming mga tao ang may pangalan na Guo Hua Ping kaya’t sa halip hinimok nito ang Senador na ipresenta sa proper forum kung mayroon itong matibay na ebidensiya na iisang tao lamang ang Chinese na si Guo Hua Ping at Mayor Guo.
Sinabi din nito na mahirap sagutin ang naturang isyu na tinawag niyang publicity.
Kung maaalala, iprenisenta ni Sen. Gatchalian nitong araw ng Martes ang mga rekord mula sa Board of Investments ng aplikasyon ng pamilya ng Guo para sa Special Investors Resident Visa (SIRV).
Lumalabas sa mga dokumento na dumating sa bansa si Guo Hua Ping noong Enero 12, 2003 sa edad na 13 anyos pa lamang.
Nakalagay na ang tunay petsa ng kapanganakan nito ay noong Agosto 31 ng taong 1990.
Isiniwalat din ni Sen. Gatchalian na ang nakarehistrong ina ni Guo Hua Ping para sa naturang Special Investors Resident Visa ay si Lin Wenyi na nauna ng pinagsuspetsiyahang tunay na ina ni Mayor Guo.
Sa panig naman ng Alkalde, una na nitong pinabulaanan ang alegasyon na ang Chinese national na si Lin Wenyo ang kaniyang ina at iginiit na si Amelia Leal ang kaniyang biological mother.