Plano ngayon ng kampo ni Cassandra Li Ong na sinasabing kasosyo ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na maghain ng arbitrary detention complaints laban sa mga otoridad.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Ong, kabilang sa mga magiging respondents ng kaso ay ang Department of Justice.
Aniya, DOJ kase ang nasa itaas ng NBI at ang kilos nito ay depende sa mando ng ahensya.
Nilinaw rin nito na sa ngayon ay wala pa silang tumpak na respondents sa kanilang nilulutong kaso.
Kung maaalala, ikinustodiya sa NBI si Ong matapos itong maibalik sa bansa ilang oras ng maaresto ito sa Batam, Indonesia.
Kasama ni Ong na ibinalik sa Pilipinas si Sheila Guo na kapatid ng pinatalsik na alkalde ng Bamban.
Una nang iginiit ni Atty. Topacio na walang dahilan para ipiit ang kanyang kliyente sa NBI detention facility dahil wala itong arrest warrant mula sa korte.
Ang dalawa ay sinasabing sangkot sa ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.