Matapos ibasura ng piskalya ang inihaing kasong grave threat ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list France Castro laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag ng mambabatas na pag-aaralan ng kanilang kampo ang naging desisyon at makikipagkonsulta sa kanilang abogado para sa susunod nilang magiging hakbang.
Sa ngayon ayon sa mambabatas, hindi pa natatanggap ng kanilang kampo ang kopiya ng desisyon sa naturang kaso.
Matatandaan na sa 14 na pahinang resolusyon, inirekomenda ng Quezon city office of the city prosecutor ang pagbasura ng reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensiya para idiin ang respondents sa kasong grave threat.
Dismayado naman ang mambabatas dahil aniya tila pinagkaitan siya ng katarungan matapos ibasura ang kaniyang inihaing kaso dahil hindi aniya ikinonsidera ang trauma na idinulot sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang pagbabanta ng dating pangulo.
Noong Nobiyembre 2023 nang inakusahan ni Rep. Castro si dating Pang. Duterte ng grave threat base sa binitawang death threat ng dating pangulo laban kay Rep. Castro sa naging panayam sa kaniya na inere sa isang television network.