Inamin na ng kampo ni soccer superstar Cristiano Ronaldo na may bayarang nangyari upang mapanatili ang “confidentiality” kasunod ng mga alegasyon na may pinagsamantalahan daw itong babae sa Las Vegas noong 2009.
Una nang inihayag ni Kathryn Mayorga na ginahasa raw siya ni Ronaldo, at binayaran daw ito ng $375,000 areglo upang pigilang maisapubliko ang isyu.
Giit naman ng Portuguese footballer, consensual o parehas nilang gusto ang nangyari.
Sa mosyong inihain noong nakaraang linggo na humihiling na i-dismiss ang demanda ni Mayorga, inamin ng legal team ni Ronaldo na nagbayad nga sila ng nasabing halaga para mapanatili umano ang pagiging confidential ng kanilang gusot.
Sang-ayon kasi sa lawsuit ni Mayorga, umapela naman ito na ipawalang-bisa ang 2010 agreement dahil sa sinamantala ng kampo ni Ronaldo ang kanyang emosyon upang piliting pirmahan ang deal.
Tugon naman ng mosyon ni Ronaldo, “null and void” na raw ang pahayag ni Mayorga dahil sa statute of limitations ng Nevada at ang confidentiality agreement.
Bigo rin umano ang kampo ni Mayorga na magpresinta ng sapat na ebidensya na magpapatunay na salat ang kanyang mental na kapasidad upang pumayag sa kasunduan.
Walang kasong kriminal ang inihain kaugnay ng sinasabing insidente.